Estudyante patay sa nag-amok na Tsinoy

Agad na nasawi ang isang 20-anyos na estudyante makaraang tadtarin ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ng isang nag-amok na Tsinoy, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Nakilala ang biktima na si Oliver Samaniego, residente ng 36 M. Hizon St., 10th Avenue ng nasabing lungsod.

Isang manhunt operation naman ang isinagawa ng Caloocan City police laban sa suspect na nakilala lamang sa pangalang Lucky Tan na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Batay sa paunang ulat ni PO2 Albert Estaquio, may hawak ng kaso ang insidente ay naganap dakong ala-1 ng madaling-araw sa kahabaan ng P. Galauran St., 10th Avenue ng nabanggit na lungsod.

Nauna rito, nakita umanong nagwawala ang suspect na lango sa droga sa nasabing lugar at walang habas na nagpapaputok ng baril.

Nang maubusan ito ng bala ay binunot naman nito ang dalang patalim at nagkataon naman na napadaan ang biktima kung kaya’t ito ang napagbalingang saksakin.

Inundayan ng suspect ng sunud-sunod na saksak sa katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan, samantalang mabilis namang tumakas ang suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments