Sasakyan ni Sec.Datumanong nasita sa paglabag sa UVVRS

Sinita kamakalawa ng umaga ng mga traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang sasakyang kinalululanan ni Justice Secretary Simeon Datumanong sa kahabaan ng Quezon Avenue sa lungsod ng Quezon dahil sa paglabag sa coding scheme na ipinatutupad ng naturang ahensiya.

Naganap ang insidente bandang alas-8 ng umaga sa kanto ng Roosevelt at Quezon Avenue sa nabanggit na lungsod.

Pinaniniwalaang galing si Datumanong sa bahay nito sa Fairview patungo sa Justice Dept. lulan ng isang puting Mitsubishi Pajero.

Maya-maya ay sinita ng isang traffic enforcer ang sasakyan dahil lumabag ito sa Unified Vehicular Volume Reduction Scheme (UVVRS). Bawal ang mga sasakyang ang plaka ay nagtatapos sa numero 7 at 8 dahil noon ay araw ng Huwebes.

Maagap namang nagpaliwanag ang driver ng back-up na sasakyan ng secretary at sinabing ang DOJ chief ang sakay doon kung kaya pinalagpas ito ng mga traffic enforcer. (Ulat ni Anna Sanchez)

Show comments