Ayon kay Jojo Guerrero, presidente ng Alliance of Court Employees Association in the Philippines (ACEAP) nagpasya siyang magbitiw sa tungkulin dahil sa nababahala na siya sa panganib sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya.
Binigyang-diin ni Guerrero na dismayado siya sa kinahinatnan ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Hilario Davide dahil mismong ang Kongreso ay walang disposisyon para maisulong ito.
Nagsumite ng kanyang resignation letter si Guerrero na isa rin sa staff sa 3rd division ng Korte Suprema sa kanyang superior na si Atty. Julieta Carreon.
Aniya, mayroong mga hindi nagpapakilalang tao na nagbabanta sa kanyang buhay kung kayat napilitan na rin siyang ilipat ang kanyang pamilya sa ibang tirahan.
Natanggap niya ang mga death threat mula nang masagawa ng sunud-sunod na mass leave ang mga miyembro ng ACEAP na kanyang pinamumunuan.
Isa rin umanong grupo ng mga abogado ang talagang nanggigipit kay Guerrero dahil sa isinagawa nilang mga kilos-protesta na may kinalaman sa JDF.
Dismayado rin siya sa mga kongresistang bumaligtad sa kanilang naunang posisyon tungkol sa impeachment ng chief justice. (Ulat ni Grace dela Cruz)