Ang suspect na nakapiit ngayon sa Marikina detention cell ay nakilalang si Alvin Llaneta, 18, ng Munding Avenue, Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod. Ito ay makaraang makita siya habang namimili ng kanyang naging biktima na si Jonalyn Agascon, 22, estudyante, ng #6 Camias St., Vista Hermosa Subdivision, San Mateo, Rizal.
Sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspect dakong alas-8:30 ng gabi sa loob ng Sta. Lucia Mall.
Nauna rito, papunta sa nabanggit na mall ang biktima kasama ang kanyang kaibigan sakay sa isang pampasaherong jeep nang biglang hablutin ng suspect ang kulay asul niyang bag na naglalaman ng P1,500 at pagkatapos ay mabilis na tumakas.
Agad na inireport ng biktima sa pulisya ang insidente. Matapos mag-report ay nagpasya ang magkaibigan na tumuloy na sa mall ngunit laking gulat nila nang makitang nagsa-shopping na ang suspect.
Mabilis na humingi ng responde ang biktima sa pulisya at dinakip ang suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)