Iniwan ng gf, nagbigti

Matapos na hindi matanggap ang ginawang pakikipaghiwalay ng kanyang kasintahan, nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang 28-anyos na binata, kamakalawa ng hapon sa lungsod ng Malabon.

Lawit ang dila at hindi na humihinga si Renato Mendoza, binata ng #138 Panghulo Road ng nasabing lungsod nang matagpuan ng kanyang pinsang si Marites Bangolita na nakabitin sa biga ng kisame ng bahay dakong alas-3:50 ng hapon.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bago isinagawa ni Mendoza ang pagpapakamatay ay madalas na itong mapansing tulala at wala sa sarili makaraang makipagkalas dito ang kanyang kasintahan.

Malaki ang paniwala ng pulisya na ito ang dahilan kung bakit nagpasya ang binata na wakasan ang kanyang buhay.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente para tiyaking walang naganap na foul play dito. (Ulat ni Jo Cagande)

Show comments