Prinisinta kahapon sa NBI ang mga nadakip na suspect na nakilalang sina Zandro Del Pilar, utak ng sindikato; Marichu Villegas, alyas Karina Co at Dante Castro, alyas Tony Perez.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang pag-aresto sa tatlo base sa reklamo ni Paul Stephen Albert Hubbard, country manager ng Total Solutions Software Inc., developer ng YESPinoy na nagpoproseso ng transfer funds ng mga OFW sa mga pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng Smart Money Card.
Ang naturang Smart Money Card ay magagamit ng pamilya ng OFW sa pagbili kung saan puwede ring magdeposito ng pera kung kailangan nila ng cash.
Sa imbestigasyon, nabatid na nagawang makapameke ni Villegas na gumamit ng pangalang Karina Co sa card ng mga biktimang sina Eliana Moreira at Jennifer Moore na nakabase sa Estados Unidos.
Nagawang mailipat ni Villegas ang lamang pera sa credit card ng dalawang biktima sa kanyang Smart Money na nai-withdraw naman nito noong Oktubre 16 at 20 sa ATM ng BPI sa Quezon City. Nadiskubre naman nina Moreira at Moore ang pagkawala ng laman ng kanilang credit card at sinabing hindi nila alam ang YESPinoy at hindi nila pinayagan na ilipat ang laman ng kanilang card sa ibang tao sa Pilipinas.
Dahil dito agad na nagsumbong sa NBI si Hubbard para masiyasat ang insidente, kung saan sa isinagawang operasyon nasamsam din ang isang package na naglalaman ng mga Smart Money card na dito natimbog naman si Perez.
Pagkatapos nito ay nadakip na rin si Villegas at Del Pilar. (Ulat ni Danilo Garcia)