Ayon sa Manila Health Department, napag-usapan na rin umano nila sa kanilang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Maynilad Water Services Inc. (MWSI) at Department of Health (DOH) na isama na sa kanilang meeting ang mga operatiba ng NBI at ISAFP.
Nabatid na naisipan ng mga opisyal ng Manila Health Department na isama at hingin ang tulong ng nasabing mga ahensiya upang mabilis na malutas ang "misteryo" ng kontaminasyon ng tubig mula sa Maynilad dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring malinaw na resulta kung ano ang dahilan ng pagkakalason sa tubig ng mga residente ng District 1 at 2 sa Tondo.
Bukod sa maruming tubig isa rin sa nakikita kung bakit nagkaroon ng gastroenteritis outbreak sa mga nasabing lugar ay dahil sa maruming kapaligiran at pagkain kung saan umano ay talagang parte na ng buhay ng mga residente ng nasabing lugar.
Samantala, sinabi naman ni Jess Matubis ng MWSI na magsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon na nagsimula noon pang Lunes at posibleng matapos sa loob ng 2 linggo upang matukoy ang nasabing problema.
Handa rin umano ang MWSI na panindigan ang kanilang pananagutan sa mga residente ng Tondo na naapektuhan ng kontaminadong tubig, subalit sa kasalukuyan ay patuloy umano ang kanilang pagtatanggal ng mga sira at lumang tubo sa nasabing mga lugar gayundin ang pagrarasyon ng malilinis na tubig sa naturang lugar samantalang mayroon na rin umano silang nakuhang 20 illegal na koneksyon ng tubig sa Inocencio street. (Ulat ni Gemma Amargo)