Gustong gawing tunay na babae:Tibo na pina-rape ng ina,naglason

Isang 30-anyos na tomboy na maid ang iniulat na nagpakamatay sa pamamagitan nang pag-inom ng pesticide sa loob ng kanyang tinutuluyang quarter sa bahay ng kanyang amo sa Parañaque City dahil sa hindi makayanang problema sa pamilya, kahapon.

Patay na nang matagpuan ang biktimang si Concepcion Areybale, tubong Davao del Norte, katulong sa No. 82 Apple St. Maywood II Village, Severina 18, ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay SPO2 Odeo Cariño, may hawak ng kaso na natagpuan ang labi ng biktima ng kanyang amo na si Edlyn Terrenal, 46, dating seaman, dakong alas-11 ng umaga.

Lumalabas sa isinagawang inisyal na imbestigasyon na bago nagpakamatay ang biktima ay nakipag-inuman pa ito sa kanyang mga kaibigang kapwa niya katulong sa naturang village.

Sa inuman umano nasambit nito sa kanyang mga kaibigan ang plano niyang pagpapakamatay.

Gayunman, hindi umano sineryoso ng mga kaibigan nito ang sinabi at hindi nila ito pinansin.

Nag-iwan pa umano ng number si Areybale sa kanyang mga kaibigan na maaari nilang tawagan sakaling siya ay mamatay.

Binanggit pa umano nito sa gitna ng inuman ang sama nito ng loob sa kanyang ina na sadyang nagpa-rape sa kanya para umano baguhin siya sa pagiging tomboy.

Dakong alas- 11 ng gabi nang bumalik si Areybale sa bahay ng amo at kinabukasan ay natagpuan ang bangkay nito na bumubula ang bibig.

Natagpuan sa tabi ng labi ni Areybale ang basyo ng bote ng pesticide na ginagamit sa pananim na gulay at halaman.

Gayunman, patuloy pa rin itong isinasailalim sa awtopsiya ng pulisya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments