P20-M ari-arian tupok sa 8 oras na sunog

Tinatayang aabot sa P20 milyong halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy sa naitalang pinakamalaking insidente ng sunog na naganap sa Pasay City na umabot pa sa area ng Makati, kamakalawa ng gabi.

Ang sunog na tumagal pa hanggang kahapon ng umaga matapos na unang maapula ng mga bumbero subalit muling nag-‘rekindle’ o muling umapoy.

Aabot din sa mahigit 1,500 kabahayan ang naabo at 5,000 pamilya ang nawalan ng matitirhan sa naganap na sunog na nagsimula dakong alas-8 ng gabi sa isang bahay sa Gamban St., Barangay 143 Zone 15, E. Rodriguez Extension, A. Bonifacio St., Pasay City.

Nadamay din sa nasabing sunog ang ilang establisimento na malapit dito kabilang ang BLTB Bus Terminal at ang ilang kabahayan sa boundary ng Pasay City at Makati City.

Kasalukuyan naman ngayong ginagamot sa Pasay City General Hospital ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng sunog na si Ramon Alevares, 47, sanhi ng saksak sa likod at mga pasa sa katawan makaraang kuyugin ito ng mga residente sa nasabing lugar.

Tumagal pa ng mahigit sa walong oras ang nasabing sunog na umabot sa general alarm bago ito tuluyang naapula dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Subalit dakong alas-5:30 ng umaga nang muli na namang magkagulo ang mga residente dahil muling lumiyab ang apoy at muling kumalat at inabot ang ilan pang kabahayan.

Halos tumagal pa ng isang oras ang muling pagliyab bago tuluyang naapula.

Samantala, inaalam pa ng arson investigator ang pinagmulan ng sunog na naitalang pinakamalaking insidente ng sunog na naganap sa lungsod. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments