Nagawa namang maaresto ng mga awtoridad ang suspect na si Adelita Bernardo, ng Leveriza St., Malate matapos ang mahigit sa dalawang oras na negosasyon.
Matagumpay namang nailigtas ang mga hostage nito kabilang na ang kanyang mga anak na sina Jeodel, 4; Shai, 3; hipag na si Teresa Bernardo, 31; at anak nitong si Princess, 5.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pangho-hostage dakong alas-12:45 ng madaling-araw sa loob mismo ng bahay ng kanyang hipag na si Bernardo sa may #2443 Suter St., Sta. Ana, Maynila.
Nabatid na nakipanuluyan ang suspect sa bahay ng kanyang kapatid dala ang dalawang anak matapos na mag-away silang mag-asawa.
Nagising na lamang sa kanyang pagkakatulog si Teresa nang magsisigaw ang hipag na si Adelita. Nang puntahan niya ito ay hawak na ang isang basag na bote na itinutok sa mga kasambahay.
Narinig naman ng mga kapitbahay ang komosyon na siyang tumawag ng saklolo sa mga awtoridad. Dito pinakiusapan ng mga pulis ang suspect ngunit hindi sila pinakinggan at dinaganan pa ang isang bata sa kama.
Dito na puwersahang binuksan ng mga pulis ang kuwarto at agad na hinablot ang hawak na basag na bote nang magulantang ang suspect at galit na nanlaban ngunit hindi na nakapalag nang maposasan ito.
Nabatid kay Teresa na may kapansanan talaga sa pag-iisip ang suspect at hindi umano kumain bago matulog na naging sanhi ng pagsumpong ng sakit nito. Dagdag pa umano ang pag-iisip sa mga problema sa asawa at pamilya.
Ipapatawag ngayon ng pulisya ang asawa ni Adelita kung saan kanilang irerekomenda ang pagpapadala sa suspect sa National Center for Mental Health (NCMH) upang hindi na ito makasakit ng kapwa. (Ulat ni Danilo Garcia)