Tauhan ng Navy patay sa ambush

Isang tauhan ng Phil. Navy ang agad na nasawi makaraang ambusin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang patungo sa kanyang pagdu-duty kahapon ng madaling- araw sa Quezon City.

Sa ulat ng CPD-Criminal Investigation Unit, nagtamo ng tama ng bala sa mukha at likod ng ulo ang biktimang si NO2 Santiago Urbano, 55, ng Barangay Escopa III, Quezon City.

Ayon kay Salvador Buenviaje, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-2:20 kahapon ng madaling-araw sa may P. Burgos St., Barangay Escopa III, Project 4, Quezon City, hindi kalayuan sa tahanan ng biktima.

Naglalakad umano ang biktima papunta sa sakayan para mag-duty nang biglang paulanan ng putok ng mga suspect na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspect matapos ang isinagawang pagpaslang sa biktima.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng isinagawang pagpaslang, gayunman, tinitingnan ang anggulo ng mis-identity sa naganap na krimen. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments