6 timbog sa drug operation

Anim katao kabilang ang isang American national ang dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Makati police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos salakayin ang umano’y drug den, kamakalawa ng gabi sa Barangay Forbes Park, Makati City.

Nakilala ang mga nadakip na suspect na sina Jacklyn Mitchel, isang Amerikana; Segundo Reyes; ang dalawang anak nito na sina Jose Reyes Jr.; Jose Reyes III; Frank Morato at Josephine Quipo.

Sa bisa ng search warrant na inihain ng PDEA, naganap ang pagsalakay dakong alas-10 ng gabi sa bahay na pag-aari ng mag-aamang Reyes na matatagpuan sa Palm Avenue, Brgy. Forbes Park, Makati City.

Una dito, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na ang naturang lugar ay itinuturing na drug den.

Kaagad na dinakip ang anim na suspect at nasamsam sa mga ito ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu, shabu paraphernalias, isang shot gun, caliber.45 at iba’t ibang mga bala.

Dinala sa tanggapan ng PDEA sa Camp Crame ang mga nadakip. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments