Sinabi ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na maliban sa paggamit ng buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay naka-standby na rin ang huhugutin nilang puwersa ng kapulisan mula sa Region 3 at 4. Nauna nang sinabi ni NCRPO Chief P/Deputy Director Reynaldo Velasco na pakikilusin niya ang 10,000 buong puwersa ng kanilang hanay sa pagbisita ni Bush kaagapay ang Task Force Libra ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Bataoil, ang nasabing mga pulis buhat sa nabanggit na mga rehiyon ay magsisilbing augmentation force sakalit tumindi ang tensyon at tutugaygay sa pagkilos ng mga magsisipag-rally mula sa mga militanteng grupo. Sa kabila naman ng pinangangambahang paglulunsad ng sympathy attacks sa pagbisita ni Bush bilang paghihiganti sa pagkakapaslang ng isa sa kanilang mga lider na puganteng si Indonesian terrorist Fathur Rohman Al Ghozi, sinabi ni Bataoil na naniniwala ang PNP na nabawasan na ang banta ng mga teroristang grupo matapos na masawi ang naturang dayuhang Indon bomber. (Ulat ni Joy Cantos)