Ito ang nilinaw kahapon ni Dr. Vivencio Deomampo Jr., ng Medico Director ng Midsayap Diagnostic Center & Hospital na sumuri sa bangkay ni Al Ghozi.
Ang bangkay ni Al Ghozi ay dinala sa nasabing ospital kung saan ito idineklarang dead-on-arrival sa limang tama ng bala ng baril na sumapol sa kanyang katawan ilang oras matapos itong mapaslang noong Linggo ng gabi sa pakikipag-engkuwentro sa pinagsanib na elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Armys Infantry Division (ID) sa national highway ng Brgy. Midtapan, Pigkawayan, North Cotabato.
Sa kanyang liham na ipinadala kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane, nilinaw ni Deomampo na taliwas sa naiulat ng isang kilalang himpilan ng telebisyon ay hindi niya sinabing negatibo sa powder burns ang kamay ni Al Ghozi.
Sa kabila nito ay hindi naman direktang isiniwalat ng nasabing manggagamot kung positibo sa pagsusuri sa powder burns ang mga kamay ni Al Ghozi.
Nabatid pa na kung positibo ang mga kamay ni Al Ghozi sa powder burns ay nangangahulugan lamang na nakipagpalitan nga ito ng putok sa mga awtoridad.
Kahapon ibiniyahe na patungong Indonesia ang labi ng napaslang na puganteng si Al Ghozi matapos itong maantala ng ilang oras sa Manila Domestic Airport dahilan sa mga kinakailangang dokumento.
Dakong alas-8 ng umaga nang si Al Ghozi ay isakay sa Singapore Airlines na siyang maghahatid dito patungo ng kanyang bansa. (Ulat ni Joy Cantos)