Bunga nitoy itinaas ng Bureau of Immigration (BI) ang red alert status sa ibat ibang paliparan at ports ng bansa bilang paghahanda sa anumang pag-atake at pagganti ng mga nasabing terorista na pinaghihinalaang kaalyado ng naturang terorista.
Ayon kay BI Commissioner Andrea Domingo, nakaalerto ang mga opisyal at empleyado ng ibat ibang paliparan sa bansa, partikular na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa posibleng makapasok ang iba pang kaalyado ni Al Ghozi bukod pa sa unang napaulat na walong terorista na narito na sa bansa.
Tumanggi naman ang BI na pangalanan ang mga pinaghihinalaang terorista na nakapasok sa bansa dahil sa posibilidad na mabulabog umano ang anumang magiging hakbangin ng mga awtoridad laban sa mga ito.
Tiniyak pa rin ni Domingo na pinatutupad ng mga kawani ng BI ang lahat ng preventive measures na pinaiiral sa mga airport at subport ng bansa tulad ng pagpapaskil ng mga pangalan at larawan ng mga dayuhan na nakasailalim sa watchlist, wanted, hold departure order at ang mga kinatatakutang terorista.
Ang pagpapatupad ng red alert status ay bahagi pa rin ng paghahanda sa anumang pag-atake tulad ng pagpapasabog sa mga paliparan ng mga kasamahang terorista ni Al Ghozi.
Gayundin, nanawagan si Domingo sa mga mamamayan na maging alerto sa sandaling ang mga ito ay nasa loob ng airport at subport at ireport agad sa mga awtoridad kung mayroong napapansin na kakaibang kilos ng sinuman. (Ulat ni Grace dela Cruz)