Estudyante napatay ng Manero Gang

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng pinaniniwalaang Manero Gang ang isang estudyante at ikinasugat ng isa pa sa harap ng isang disco bar sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jeffrey Pararo, 25, ng #672 Sales St. Sta. Cruz, Maynila matapos itong magtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo at dalawa naman sa katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center ang isa pang biktima na si Christian Cutangco, 18, na tinamaan naman ng bala sa tiyan. Ang mga biktima ay kapwa estudyante ng Philippine College of Criminology (PCCr).

Mabilis namang nakatakas ang tatlong hindi pa nakikilalang mga suspect na pawang mga kalbo at armado ng armalite rifle. Lulan ang mga ito ng isang kulay itim na Honda Accord na walang plate number.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Jerry Barrientos ng CPD-CIU, naganap ang insidente dakong alas 3 ng madaling-araw sa Giggers Bar & Grill sa E. Rodriguez Blvd. Libis, Quezon City.

Lumilitaw na kalalabas lamang ng mga biktima sa nabanggit na bar nang bigla itong paulanan ng bala ng mga suspect.

Ayon sa pulisya, posibleng matagal nang minamatyagan at hinihintay ng mga suspect ang paglabas ng mga biktima sa bar hanggang sa matiyempuhan kahapon ng madaling- araw.

Kinukuhanan pa rin ng pahayag ng pulisya si Cutangco upang malaman kung sino ang posibleng responsable sa pamamaril sa kanila. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments