Negosyante binaril sa loob ng kanyang club

Isang negosyante ang nasawi makaraang barilin ito ng hindi nakikilalang suspect sa loob mismo ng pag-aari niyang club, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Namatay noon din ang biktimang si Federico Del Monte, 51, may-asawa, ng Topaz St., Perpetual Village 4, Bacoor Cavite, nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa dibdib.

Tumakas naman ang hindi pa nakikilalang suspect matapos ang isinagawang krimen.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:50 kahapon ng madaling-araw sa loob ng Josie’s Club and Restaurant na matatagpuan sa Alabang-Zapote Road, Barangay Pamplona ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan umanong nag-aasikaso ang biktima sa naturang restaurant na kanyang pag-aari nang biglang lapitan ng suspect at walang sabi-sabing pinaulanan ito ng putok ng baril.

Isa sa anggulong tinitingnan ng pulisya ay kung may kinalaman sa negosyo ang motibo sa naganap na pagpaslang.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments