Sa ulat ni Atty. Marianito Panganiban, hepe ng NBI-Special Task Force , lumitaw na hindi pala si Boy Iran, alyas Boy Muslim na sinasabing gunman ni Gov. Javier ang kanilang nadampot sa isinagawang operasyon kamakalawa ng umaga sa Capital Park Homes sa Caloocan City kundi isang Ralphten Fernando, 47, at walang trabaho.
Kahapon ng umaga, lumabas sa isinagawang pagsusuri kay Fernando na hindi ka-match ng fingerprints nito ang fingerprints ni Boy Iran.
Inamin ni Panganiban na nagkamali sila sa pag-aresto dahil bukod sa kahawig na kahawig ang mukha nito at pangangatawan ni Boy Iran nagduda rin sila sa maluhong pamumuhay ni Fernando bagamat wala itong permanenteng trabaho.
Subalit sa kabila ng pag-amin ng NBI na nagkamali sila sa taong kanilang hinuli ay nananatili pa rin at pinipigil sa kanilang tanggapan si Fernando at posible namang palayain kapag walang nakitang dahilan upang ikulong ito.
Magugunita na si Boy Iran ang itinuturing na No. 1 most wanted criminal sa bansa. Bukod sa mga kinasangkutan nitong kaso, isa sa kontrobersiyal ay ang pagpatay nito kay Gov. Javier.
Bukod sa malaking pagkakamali, nabatid na isang sibilyan na nakilalang si Dolorosa Serial, cosmetic sales representative ang inulat na nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala sa palpak na operasyon ng NBI.
Kaugnay nito, sinabi ni Supt. Dionicio Borromeo na agad silang magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente kung saan kasamang pag-aaralan kung lumabag ang mga ahente ng NBI sa tinatawag na rules of engagement. (Ulat nina Rose Tamayo at Jo Cagande)