Agaw buhay sa Victor Ponciano Reyes Medical Hospital sanhi ng tinamong 20 saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Arlene Tanedo, 35, marketing officer sa Bank of Parañaque, samantalang nakabigti at wala nang buhay ang suspect na lover na si Martin de Guzman, 40, empleyado ng Civil Service Commission.
Natagpuan si de Guzman na nakabigti sa sarili niyang sinturon sa gilid ng isang restaurant sa Makati City.
Sa imbestigasyon ng pulisya sa pagitan ng alas- 4 at alas-5 ng hapon ng maganap ang insidente sa basement ng Star Mall, sa Edsa Avenue, Mandaluyong City.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina De Guzman at Tanedo dahil sa selos ng lalaki. Naging dahilan ito upang saksakin ng 20 ulit ni de Guzman si Tanedo.
Inakala nitong patay na niyang iniwan ang kinakasama, mabilis itong tumakas lulan ng kanyang kotseng Altis na may plakang KKK-501 patungong Makati.
Nagtungo ito sa isang Spanish restaurant na matatagpuan sa Polaris St., Barangay Bel-Air, Makati City at doon nagbigti.
Ang bangkay ni de Guzman ay natagpuan ng isang empleyado sa naturang restaurant na siyang nagreport sa pulisya.
Narekober ng pulisya ang ginamit na sasakyan ng suspect sa kanyang pagtakas sa papanaksak kay Tanedo. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Edwin Garcia)