Inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kanyang tahanan si LBP Landowners Compensation Department chief Teresita Tengco sa may 134 - A Romero St. Camella Homes, Parañaque City.
Sa kautusan ni Judge Ernesto Pagatayan ng Special Agrarian Court Branch 46 ng Fourth Judicial Region sa Occidental Mindoro, sinabi nito na ilegal ang ginawang pag-angkin ng LBP sa may 700 ektaryang lupain nina Josefina Lubrica at Nenita Suntay-Tanedo.
Nararapat umano na bayaran ng Land Bank ang mga may-ari ng lupa ng halagang P73.5 milyon bago pa man angkinin ito ng pamahalaan at ipamahagi sa mga magsasaka na hindi nagawa ng bangko.
Agad namang inako ni LBP President Gary Teves ang responsibilidad sa naturang kaso ngunit sinabi nito na walang hurisdiksyon si Pagatayan sa naturang kaso dahil sa kasalukuyang nakaapela pa ito sa Court of Appeals.
Sinabi rin ni Teves na aabot lamang sa P6.5 milyon ang nararapat lamang nilang bayaran base sa kanilang kalkulasyon at hindi ang iginigiit ng mga may-ari ng lupa na P73.5 milyon.
Lubhang maaapektuhan umano ang mga maliliit na magsasaka na umaasa sa Land Bank kung pagbibigyan nila ang pagbabayad sa naturang napakalaking halaga. (Ulat ni Danilo Garcia)