Kaso vs Tsong iaatras ni Kris ngayon

Inaasahang magsasampa ngayong araw ang kontrobersyal na aktres/TV host na si Kris Aquino ng kanyang affidavit of desistance sa Rizal Prosecutor’s Office upang pormal na iurong ang demandang isinampa nito laban kay Parañaque Mayor Joey Marquez.

Sa isang panayam sa abogado ni Aquino na si Atty. Raymond Fortun, inutusan siya ng kanyang kliyente upang ihanda ang isang pormal na pagbabawi ng kasong grave threats, grave coercion, illegal possession of firearms at physical injuries laban kay Marquez.

Ang pagbawi sa kaso ay bunga ng paghingi ng tawad ni Marquez kay Aquino sa isang live na panayam sa television kung saan sinabi rin ni Marquez na kailanman ay hindi niya sinabi na sinungaling ang dati niyang kasintahan.

Ilang minuto matapos ang paghingi ng tawad, nagsalita rin si Aquino sa isa ring live interview na pinapatawad na niya ang pulitiko, inamin din ng aktres na mayroon din siyang pagkakamali.

Kapag naisampa ang nabanggit na affidavit ay hindi na matutuloy ang preliminary investigation ng kaso na nakatakda sanang magsimula dakong alas-2 ng hapon sa Oktubre 13 sa sala ni Asst. Prosecutor Mariam Bein na nakatakdang humawak ng kaso.

Matatandaang nagsampa ng kaso si Aquino sa tanggapan ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) matapos na gulpihin at tutukan ng baril ni Marquez sa loob ng kanilang kuwarto sa Essensa Condominium unit ng kapatid ng pulitiko. Naging bukas naman ang pintuan ng mga Aquino sa labas ng korte.

Malaki rin ang naging papel ng ilang mga kaibigan ng dalawa gaya nina Anjo Yllana at Jinggoy Estrada para matapos na ang gulo sa pagitan ng dating magkasintahan. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments