10 MMDA traffic officer positibo sa droga,sinuspinde

Sampung traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isinailalim sa preventive suspension matapos na maging positibo ang mga ito sa droga sa isinagawang drug-test ng ahensya nitong nakaraang buwan.

Ito ang kinumpirma kahapon ni MMDA Traffic Operations Center (TOC) Director Angelito Vergel de Dios kung saan ang naturang mga traffic enforcer ay pawang nasa permanent positions sa MMDA.

Gayunman, pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan ng sampung enforcers at bukod sa preventive suspension na kinakaharap ng mga ito sasailalim pa rin sila sa masusing imbestigasyon ng MMDA.

Nabatid na nakatakda pang sumailalim sa hiwalay na pagsusuri sa Crime Laboratory sa Camp Crame ang mga enforcers bago pinal na desisyunan sa resulta ng kanilang status sa trabaho.

Gayunman, kaagad na iniutos ni MMDA Chairman Bayani F. Fernando ang pagtatalaga ng panibagong mga enforcers sa lugar ng sampung enforcers upang hindi maantala ang pagbibigay serbisyo sa mga motorista at hindi maapektuhan ang pagmamantina sa trapiko sa lansangan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments