Ito ang inihayag kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director Anselmo Avenido Jr., upang pasubalian ang alegasyon ng star witness na si Jonathan Prestado, alyas John ng Candon, Ilocos Sur.
"Base sa aming isinagawang beripikasyon na walang katotohanan ang ibinunyag ni Prestado sa kanyang affidavit sa NAPOLCOM. Dati itong adik na nagkasayad sa ulo", ayon pa kay Avenido kasabay ng pagsasabing walang kredibilidad ang nasabing star witness kung kaya nakuryente umano ang mga mediamen na nagsulat ng balita.
Maging ang tanggapan ng NAPOLCOM ay nabiktima rin ni Prestado. Magugunitang sa kanila nagsumite ng affidavit si Prestado na kung anu-anong pagbubunyag ang ginawa nito.
Sinabi pa ni Avenido na minsan na umanong nagtungo sa dating National Drug Law Enforcement and Prevention Coordinating Center sa Camp Crame si Prestado subalit dahil negatibo ang mga impormasyon nito at pawang mga gawa-gawa lamang ay hindi na ito pinag-aksayahan pa ng panahon ng mga opisyal sa naturang binuwag na ahensiya.
Imposible rin aniya ang sinasabi ni Prestado na may 15 kilo ng droga ang inilalabas sa Camp Crame araw-araw na ipinabebenta ng nasabing mga inaakusahan nitong opisyal ng pulisya sa kinaaniban ng mga itong drug syndicates.
Samantala, ipinagtanggol naman kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. si CPD director Chief Supt. Napoleon Castro, ang isa sa dalawang heneral na isinasangkot ni Prestado sa operasyon ng ilegal na droga.
Sinabi ni Belmonte na nalulungkot siya at hindi naniniwala sa ulat na pagkaladkad sa pangalan ni Castro sa mga ilegal na gawain.
Maganda anya ang liderato ni Castro kayat hindi siya naniniwala sa mga report laban dito.
Nakatakda namang magsampa ng kasong libelo si Castro laban kay Prestado.
Magugunitang bukod kay Castro isinasangkot din nito si Chief Supt. Jesus Versoza, dalawa pang colonel at apat na major sa operasyon umano ng drug trafficking at kidnapping. (Ulat nina Joy Cantos, Angie dela Cruz at Doris Franche)