Iprinisinta kahapon ni NCRPO chief Deputy Director General Reynaldo Velasco ang suspect na sekyu na si Diosdado Mellomida Jr., 29, miyembro ng Protector Services Inc. Security Agency at residente ng Quezon City.
Pinaghahanap naman ang mga kasamahan nito, partikular ang lider ng grupo na isang dating sundalo at nakilalang si Probationary 2Lt. Ed Sumang ng Philippine Army Reserved Command.
Batay sa ulat, dakong aalas-6 ng gabi kamakalawa nang bigla na lamang harangin ng mga holdaper sakay ng isang puting Starex van ang armored van na binabantayan ni Mellomida at ng ilan pang guwardiya.
Tinangay ng mga suspect ang cash na umaabot sa P600,000 na idedeposito ng Mercury Drug sa nasabing bangko bago nagsitakas ang mga ito patungong B. Serrano St.
Agad namang naghinala si Supt. Dionicio Borromeo na may nangyaring sabwatan sa naganap na holdapan kung kayat kinuha niya ang lahat ng cellphone ng mga nakadestinong guwardiya.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon, tumunog ang cellphone ni Mellomida at doon nabasa ng mga pulis sa text message kung papaano kukunin ang parte sa kanilang naholdap. Agad itong inaresto ng pulisya.
Inamin ni Mellomida na nakuha niyang makipagsabwatan sa mga suspect dahil sa hirap ng buhay. (Ulat ni Rose Tamayo)