Kris: Di ako aatras

Wala nang atrasan at tuluy-tuloy na ngayong araw ang pagsasampa ng kaso ng sikat na aktres at TV host na si Kris Aquino laban sa kanyang hiniwalayang lover na si Parañaque City Mayor Joey Marquez.

Ito naman ang kinumpirma kahapon ni Atty. Raymund Fortun, abogado ni Kris sa isang telephone interview.

Ayon kay Fortun, sasampahan nila ngayon sa Pasig City Regional Trial Court ng kasong less physical injury at grave threats si Marquez bunga na rin ng akusasyon ni Kris na siya ay sinaktan,kinasahan at tinutukan ng baril noong Setyembre 22 sa Essense Condominium sa The Fort ,Taguig. Pinag-aaralan din nila kung dapat ding isama ang kasong illegal possession of firearms matapos na lumitaw na walang lisensiyadong .9mm caliber si Marquez.

Sinabi ni Fortun na buo na ang loob at pasya ni Kris ng pagsasampa ng kaso nang makausap niya ito kahapon.

Ang kahandaan ni Kris na kasuhan si Marquez ay bunga na rin ng pagtatangka ng kampo ng alkalde na aregluhin na lamang ang kaso at sa babala ng dating asawa ni Marquez at aktres na si Alma Moreno na kakasuhan niya ng concubinage ang TV host sa sandaling ituloy nito ang kaso laban sa alkalde.

Iginiit pa ni Fortun na nahaharap din sa kasong administratibo si Marquez subalit ito ay saklaw na ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Matatandaan na ginulantang ni Kris ang sambayanan nang ibunyag nito na hinawahan siya ng Sexually Transmitted Disease (STD) ni Marquez.

Samantala, sa interview ng programang The Buzz , sinabi ni Kris na siya ang nawalan ng dignidad at hindi si Marquez tulad ng ipinahayag nito sa programang S-Files kung saan sinabi ng huli na siya’y wala ng dignidad at "wala na nga siyang damit pati ba naman balat kukunin pa nila."

Ayon kay Kris, hindi siya nag-iilusyon na ma-aayos pa ang gulong nangyari sa kanila subalit ipinahayag nito na mahal na mahal niya ang dalawang anak ni Marquez na sina JB at Jesem na nagbigay ng importansiya at pagmamahal sa kanyang nag-iisang anak na si Joshua Phillip.

Binanggit din ni Kris na minsan din silang nagkaroon ng pagtatalo ni Marquez nang hilingin niya dito na kailangan niyang (Marquez) kausapin ang dating Pangulong Cory Aquino sakaling ma-annul ang kasal nito kay Alma at tuluyan na silang (Kris at Joey) magpakasal.

Subalit sinabi sa kanya ni Marquez na hindi naman niya ito kailangang gawin dahil siya (Kris) lang ang magiging pamilya nito at hindi nila kailangan ang dating pangulong Aquino dahil mas mayaman siya dito.

Nilinaw ni Kris na ang pangunahing dahilan ng kanyang pakikipaghiwalay kay Marquez ay ang pagkasa at pagtutok nito ng baril. (Ulat nina Joy Cantos at Doris Franche)

Show comments