Tinulugan at di pinaghain: Ina sinaksak ng anak

Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang ina makaraang saksakin ito ng ilang ulit ng kanyang anak na binata matapos na tulugan at hindi paghandaan ng hapunan kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Kasalukuyang ginagamot sa Makati Medical Center (MMC) ang biktima na nakilalang si Paz Grafil ng #3 Saing St. Brgy. Western Bicutan habang nakapiit naman ang anak nitong si Victor, 24.

Ayon sa imbestigasyon ng Taguig Police, naganap ang insidente dakong alas- 8:50 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.

Kadarating lamang ng suspect nang makita nitong hindi man lamang siya pinansin ng kanyang ina at sa halip ay natulog at hindi siya pinaghandaan ng pagkain.

Dala ng galit, kumuha ng kutsilyo ang suspect at agad na inundayan ng saksak ang inang natutulog.

Mabilis namang sumaklolo ang mga kapitbahay ng biktima na nagresulta ng pagkakadakip ng suspect.

Isinasailalim sa drug test ang suspect upang malaman kung ito ay nasa impluwensya ng droga nang isagawa ang krimen. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments