Ito umano ay sa katauhan ng dati nitong live-in-partner na si Brenda del Rio, na rito ay may dalawang anak si Joey.
Base sa nakalap na impormasyon ng PSN, si Marquez ay minsan nang nasangkot sa pananakit sa babae taliwas sa sinasabi nito sa mga radio at television interview na hindi niya kayang saktan ang aktres-host na si Kris Aquino.
Ayon sa nakapanayam ng PSN na isang veteran reporter na minsan na ring nag-cover sa Philippine Basketball Association (PBA), nasaksihan nila ang panggugulpe ni Marquez kay del Rio sa parking lot ng Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City noong dekada 80.
"Andon kami ng cameraman ko nang mangyari ang pananakit ni Mayor Tsong kay del Rio, gulat na gulat nga kami, umiiyak si Brenda noon, nagalit sa kanya si Joey kaya siya sinaktan, talagang iskandalo dahil sa parking lot nangyari," anang isang veteran reporter ng isang television network.
Nabatid pa na galit na galit si Marquez kay del Rio dahilan sa pangungulit ng huli sa paghingi ng sustento para sa kanilang mga anak.
Hindi rin umano tago sa mga kasamahan nito sa team at maging sa PBA ang ginawang ito ni Marquez sa dating ka-live-in.
Magugunitang pinabulaanan ni Marquez ang sumbong ni Kris Aquino na sinaktan, tinutukan, at kinasahan niya ng baril ang huli. Hindi umano niya ugali ang manakit ng babae. (Ulat ni Joy Cantos)