Ito ang pahayag ni Interior and Local Government Secretary Joey Lina matapos na personal na magharap ng reklamo si Kris makaraan ang umanoy bayolente nilang pag-aaway, kamakalawa ng gabi sa condominium na pag-aari ng kapatid na babae ni Marquez sa The Fort sa Taguig.
Ayon kay Lina, mahaharap sa kasong administratibo at kriminal si Marquez kung sakaling totoo ang akusasyon ni Kris dahil siya ay isang elected government official.
Sinabi pa ni Lina na posibleng masuspinde si Mayor Tsong sa kanyang puwesto sa sandaling maisampa sa korte ang reklamo upang maiwasan na ang maimpluwensiyahan ang kaso.
Gayunman, binanggit pa ng DILG chief na hindi pa niya nakakausap ang alkalde subalit wala siyang magagawa sakaling hilingin ng kampo ni Kris ang suspensyon nito habang dinidinig ang kaso.
Dahil sa personal na usapin, sinabi ni Lina maaari lamang siyang umaksyon laban kay Marquez sa kasong administratibo.
Aniya, may sarili namang mga abogado ang magkabilang kampo kung kayat ang mga ito ang siyang bahalang magpasya.
Samantala, apat na witnesses ang hawak ngayon ng kampo ni Kris upang patotohanan ang reklamo nito na kinasahan, pisikal na sinaktan at tinutukan siya ng baril ni Marquez.
Sa isang ambush interview kagabi kay Tarlac Rep. Benigno "Noynoy" Aquino III sa pagtungo nito sa tanggapan ng PACER, sinabi ng solon na ang kanilang testigo ay kinabibilangan ng dalawang babae at dalawang lalaki.
Dalawa umano sa mga testigo ay nasa loob mismo ng Essensa Condo unit nang maganap ang sinasabing pananakit at panunutok ng baril ng solon sa kanyang nakababatang kapatid.
Ang dalawang testigo ay iniharap at pinakunan kagabi ng testimonya ni Noynoy sa mga imbestigador ng PACER bilang hakbang sa panimulang paghahanda sa pagsasampa ng kaso laban sa alkalde. (Ulat nina Doris Franche at Joy Cantos)