Personal na iniharap ni Supt. Ernesto Ibay, hepe ng WPD-Special Operations Group kay Manila Mayor Lito Atienza Jr. ang suspect na si PO1 Arnold Malaya, 29, na nakatalaga sa WPD-District Anti- Illegal Drugs at residente ng 3576 Makisig St., Bacood, Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa ulat ni Ibay, kasalukuyan umanong naglalakad ang biktimang si Huang Shu Quan, 28, ng Lavares St., Binondo ng bigla na lamang itong harangin ng tatlong armadong kalalakihan na nakasakay sa isang pick-up at nagpakilalang mga pulis at saka sapilitang isinakay ang biktima.
Kaagad umanong kinapkapan ng mga suspect ang biktima at ng walang makitang droga ay naglabas ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang ipinagbabawal na gamot ang tatlo.
Samantala, habang binabagtas ng nasabing sasakyan ang San Fernando at Sto. Cristo Sts. sa Binondo ay bigla na lamang sumakay sa sasakyan ang isang Chinese looking na nagsilbing interpreter kung saan sinabi nito sa biktima na sasampahan siya ng kasong possession of illegal drugs at ikukulong kapag hindi nakapagbigay ng halagang P100,000.
Subalit nakiusap ang biktima na ibaba na lamang ang halagang hinihingi sa P46,000 na hiningi nito sa kanyang asawa. Lingid sa kaalaman ng grupo ay humingi ng tulong ang misis ng biktima sa pulisya.
Mabilis namang inaresto ang suspect sa loob ng WPD-DAID headquarters sa UN Avenue, samantalang nakatakas naman ang mga kasama nitong sina PO1 Rolando Ladres at PO1 Ferdinand Manlapat na kapwa nakatalaga sa PNP Special Action Force (SAF). (Ulat ni Gemma Amargo)