Pormal na nagtungo sa Kamuning Police Station-Police Community Precint 1 si Patrick Atienza, 36, Manager ng Lexus Club and Restaurant upang ireklamo si Padilla.
Ayon sa reklamo ni Atienza, dakong 12:00 ng madaling-araw ng Sept. 20 nang pumasok umano ang aktor kasama ang isa pang lalaki sa Lexus Club and Restaurant sa may #52 Timog Ave., Quezon City.
Napag-alaman na umorder umano ang aktor ng mga pulutan at inumin na nagkakahalaga ng P5,290 at nag-table pa ito ng mga babae.
Matapos ang ilang sandali ay hindi na makita ng mga waiter si Padilla at ang kasama nito, subalit kampante umano sila dahil nasa parking attendant ang susi ng sasakyan ng aktor.
Nang mainip sa kakahanap kay Padilla ay dinungaw ni Atienza ang kotse sa vallet parking at nakitang wala na rito ang kulay maroon na Honda Civic at may plakang WLE-844. Saka lamang nila napag-alaman na posibleng may duplicate key ang aktor.
Si Padilla ay nakatakdang sampahan ng kasong estafa sa Quezon City Prosecutors Office.
Magugunitang kamakailan din ay inireklamo si Padilla ng isang sikat na nightclub at hindi rin ito nagbayad ng chit. (Ulat ni Angie dela Cruz)