Sa ulat na isinumite sa Inspection Monitoring and Investigation Service (IMIS) sa tanggapan ni NAPOLCOM Commissioner Miguel Coronel, nadiskubre na may 1,095 officer at non-officer na humahawak ng mga sensitibo at kontrobersiyal na posisyon sa PNP ang nagrereport lamang sa kanilang duty tuwing akinse at katapusan ng buwan sa araw ng suweldo.
Natuklasan na walo sa mga ito ay nakadestino sa tanggapan ni PNP Deputy Director General Edgardo Aglipay, 159 naman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 98 sa Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA), 45 sa Police Anti-Crime Emergency Response (PACER), 32 sa Civil Security group at 549 sa Police Security and Protection Office.
Ang natuklasang katiwalian ay resulta sa ginawang inspection at physical accounting ng IMIS, NAPOLCOM sa mga police headquarters at station kung saan tinatayang ang naturang bilang ay posibleng umabot pa sa 2,000.
Sa ngayon ay masusing pinaiimbestigahan ng nasabing ahensiya kung nasaan sa ngayon ang mga tinaguriang ghost cops. (Ulat ni Lordeth Bonilla)