Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PDEA Chief Anselmo Avenido Jr. na dakong alas-7 ng umaga nang isagawa ang raid sa warehouse na pag-aari ng PAC Atlantic Shipping Lines, Inc. na nasa #1090 Sanciano St., Otis, Paco, Maynila.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Enrico Lanzanes ng RTC Branch 7 laban kay Martin D. Cruz ay nagawang pasukin ng mga pulis ang naturang warehouse na pag-aari ng suspect.
Sinasabing ang natagpuang mga kemikal na nakasalansan sa loob ng bodega ay dumating sa bansa sa magkahiwalay na shipment noong Abril 25 ng taong kasalukuyan sakay ng YM Ho Chi Minhy vessel at ito ay naka-consigne sa MDC Int. Sales at isang Mr. Wang, habang ang pangalawang shipment ay dumating noong Mayo 7 at nakapangalan din kay Wang.
Tumitimbang ng may 8,401 kilograms ang bigat ng nasamsam na mga illegal substance na pinaniniwalaang makakapag-produce ng may 3,000 kilos ng shabu.
Napatunayan din ng PDEA sa Compliance Service, Business Promotion and Development Office ng Manila at Dept. of Trade and Industry na ang MDC ay hindi rehistrado at hindi lisensiyado upang mag-import, magbenta at magdeliber ng anumang uri ng kemikal. (Ulat nina Angie dela Cruz at Gemma Amargo)