Sa 2-pahinang liham ng IBP na ipinadala nito kay Judge Real, sinabi nito na maituturing na iresponsable, ignorante at malisyoso ang pagpapalabas nito ng kautusan na ibalik ng gobyerno sa pamilya Marcos ang nasabing escrow account.
Binanggit pa ng IBP na masyadong pinanghihimasukan at pinakikialaman ni Judge Real ang kautusan at batas na umiiral sa bansa.
Pinaalala pa ng IBP kay Real na ang bansa ay isang independent at may sariling soberenya at hindi na isang kolonya ng Amerika kung kaya hindi nito dapat na sapawan ang desisyon ng Korte Suprema.
Anila, bunga ng kautusan ni Real, naipit ang nasabing pondo at hindi maipamahagi sa mga mahihirap na mamamayan.
Magugunita na nagpalabas ng desisyon ang SC kung saan idineklara nitong isang nakaw na yaman ng mga Marcoses ang naturang pondo at pinapayagan na mapunta sa pamahalaan ang naturang pondo.
Subalit noong Sept. 2, 2003 ay nagpalabas naman ng kautusan si Real kung saan sinabi nito na ang desisyon ng SC ay maituturing na labag sa batas at karapatan ng Marcoses.
Nagbanta pa rin si Real sa kanyang kautusan na ang sino mang lalabag dito ay maaaring kasuhan ng obstruction of justice.
Bunga nito, hiniling ng IBP sa US Supreme Court at sa American Bar Associations Inc. na i-disbar at sibakin mula sa kanyang posisyon si Judge Real dahil sa umanoy kaignorantehan at maling pagpapalabas ng desisyon. (Ulat ni Grace dela Cruz)<