Lolo nilooban saka pinatay

Hinataw sa ulo ng matigas na bagay at tinadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa mapatay ang isang lolo matapos itong looban, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Nakilala ang nasawing biktima na si Domingo Bartolome, alyas Lolo Tolome, 68, nakatira sa 340 Basa Compound, Barangay Zapote ng lungsod na ito.

Samantala, kaagad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima.

Napag-alaman na nag-iisang natutulog sa kanyang bahay ang lolo nang pasukin ng mga suspect.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng nagising ang matanda sa pagkakatulog kaya naalarma ang mga suspect kung kaya tinuluyan itong patayin ng mga salarin. Maaari umanong kilala nito ang mga nanloob na suspect.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at ang pagtugis sa mga suspect na tumangay ng hindi pa malamang cash na kinulimbat sa matanda. (Ulat ni Lordeth Bonilla)<

Show comments