Kamakalawa ng gabi sinimulan na ring salakayin ng mga tauhan ng Central Police District (CPD) ang mga gay bar sa lungsod upang malaman kung sinu-sino namang mga baklang pulis ang naglalagi sa mga ganitong lugar.
Ayon kay CPD director Chief Supt. Napoleon Castro, kailangan din na imonitor ang mga pulis na nagpupunta sa mga gay bar at hindi lamang ang mga barakong pulis na mahilig sa mga nightclubs at KTV.
Aniya, wala namang pagkakaiba ang mga gay bar at ang mga KTV at nightclubs dahil pareho lamang itong pinupuntahan ng mga parokyano kung saan binabayaran ang mga GRO at call boy sa kanilang mapagkakasunduang presyo.
Aminado si Castro na kuwestiyonable sa isang pulis ang kanyang ginagastos sa kanyang alagang callboy dahil madalas na sinasamantala ng mga callboy ang kanilang mga kostumer.
Bagamat wala pa silang nahuhuling mga baklang pulis, sinabi ni Castro na maaaring kuwestiyunin din ito sa ilalim ng lifestyle check sa mga tauhan ng pulisya, dahil napapanatili nila ang kanilang relasyon sa mga alagang call boy.
Gayunman, sinabi ni Castro na wala namang problema kung bakla ang isang pulis hanggang hindi naaapektuhan ang pagtupad niya sa tungkulin. (Ulat ni Doris Franche)<