Kinilala ni NBI-National Capital Region chief Atty. Edmund Arugay ang nadakip na si Chief Insp. Edgar Alintog, hepe ng Drug Enforcement Group ng WPD-Station 3 Sta. Cruz.
Isinagawa ang entrapment matapos na magsumbong si Enriquetta Nalayog, residente ng Sta. Cruz, Maynila ukol sa pangongotong sa kanya ni Alintog.
Sinabi ni Nalayog na naaresto ang kanyang anak ng mga tauhan ni Alintog sa kasong pagtutulak ng droga. Kinausap naman umano siya ni Alintog na papalayain ang kanyang anak at hindi na sasampahan ng kaso kung magbibigay ito ng P140,000.
Dito na humingi ng saklolo si Nalayog sa NBI na nag-set-up ng entrapment operation sa loob mismo ng opisina ng DEU sa Sta. Cruz police station.
Hindi na pumalag sa mga ahente si Alintog nang dakpin ng mga ahente ng NBI matapos na abutin ang P10,000 marked money buhat kay Nalayog. Isang ahente naman ang nagsabi na nagawa pang makapaghugas ng kamay ni Alintog matapos na maramdaman ang naturang entrapment at posibleng nabura ang ebidensiya sa kanyang kamay. (Ulat ni Danilo Garcia)