Pulis bawal nang maghapi-hapi

Pinagbawalan ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang mga miyembro ng PNP na maglagi sa mga night spots tulad ng mga clubs, disco house at KTV bilang bahagi ng isinusulong na kampanya laban sa katiwalian.

Sa isang pagsasalita na ginawa ni Pangulong Arroyo kahapon sa Camp Crame, sinabi ng Pangulo na ang mga pulis ay dapat na magsilbing modelo hindi lang ng kanilang kasamahan sa organisasyon kundi sa komunidad.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo kasunod ng insidente nang panghoholdap na naganap sa Classmate KTV Bar sa Quezon Avenue, Quezon City, kamakailan.

Kasabay din nito, ipinag-utos ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane Jr., ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa impormasyong may mga nag-iinumang pulis sa loob ng hinoldap na establisimento ng maganap ang panghoholdap.

Ayon sa tinanggap na ulat hindi umano nakakilos ang mga pulis na nakasibilyan sa kabila nang pagdedeklara ng holdap ng mga suspect na hinihinalang miyembro ng ‘Kuratong Baleleng Gang’.

Tinatayang aabot sa P.2 milyon ang natangay ng mga suspect na pawang armado ng Uzi submachines at M 14 rifles.

Sa panig ng Pangulo, sinabi nito na kailangang disiplinahin ng mga tauhan ng pulisya ang kanilang ranks para makamit ang tunay na paggalang at pagrespeto ng publiko. (Ulat ni Lilia Tolentino at Joy Cantos)

Show comments