Ito ang tiniyak ni Mayor Belmonte sa panayam ng mga mamamahayag kung saan sinabi nito na nasa huling yugto na ang ginagawang pag-aaral ng QC government para sa pagpapatayo ng tahanan para sa urban poor.
Ang proyektong ito aniya ay bahagi na ng kanyang Poverty Alleviation Program kung saan napapaloob din ang pagkakaroon ng access sa urban poor sa pangunahing pangangalaga sa kalusugan, social services, better employment opportunities at quality education.
Inaasahang matatapos na ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) ang ginagawang inventory sa mga informal settlers na silang posibleng makinabang sa proyekto bago matapos ang Disyembre 2003.
Sa kasalukuyan, may 6,859 urban poor families ang nakatira sa mapanganib na mga lugar sa lungsod tulad ng waterways at road right-of-way at 21,508 naman ang nakatira sa National Government Center (NGC) tulad ng Pasig river banks at mga lupang pag-aari ng gobyerno at private individuals.
Bahagi ng kampanya ang pagtatayo ng mga gusali sa ilalim ng Housing Urban Renewal Authority (HURA) na titirahan ng mga beneficiaries.
Sa kasalukuyan, limang gusali na ang natatapos ng City Government at marami pa ang nakatakdang itayo sa Barangay Bungad, Bahay Toro, Manresa, San Jose, Bagong Silangan, San Antonio, Quirino 2-B at Bagumbuhay, Quezon City. (Ulat ni Rose Tamayo)