Kahapon, daang commuters at motorista ang naipit sa grabeng trapiko sa Quiapo, España, Morayta, Recto, Sta. Cruz at Mendiola dahil sa panibagong traffic plan na ginawa ni Col. de Castro.
Sa naturang traffic plan, inihanay ang mga public utility jeepney (PUJs) sa right lane at isang lane naman sa kaliwa ang ibinigay sa mga pribadong sasakyan. Dahil dito, nagkaumpukan ang lahat ng pampasaherong sasakyan sa kanan at naokupahan ang buong lane ng PUJs kayat naharang ang mga pribadong sasakyan.
Si Col. de Castro rin ang nagplano na i-route ang mga sasakyan na galing sa Taft papuntang Sta. Cruz at Recto kayat naipon naman ito sa Ongpin area. Ito ang dahilan kayat inaangal ng maraming motorista at commuters ang re-routing plan ng Western Traffic sa kapalpakan nito.
Subalit ikinatwiran ng ilang pulis na ang naganap na rally ng mga militanteng grupo sa Plaza Miranda ang dahilan ng masikip na trapiko. (Ulat ni Gemma Amargo)