P1-M sa ulo ng killer ni Lilia Diaz

Nagpalabas kahapon ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ng P500,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng suspect na responsable sa pagbaril at pagpaslang sa mataas na opisyal sa nabanggit na tanggapan.

Ayon kay MIAA general manager Ed Manda kanilang ibibigay ang nasabing reward para lamang mahuli ang suspect ‘patay man o buhay’.

Matatandaang ipinangako ni Manda na gagamitin ng MIAA ang buong puwersa at resources nito upang mahuli ang pumatay kay Lilia Diaz, 46, assistant general manager for finance and administration sa MIAA.

Si Diaz, may 17 taon ng empleyado sa MIAA ay nagsimula sa mababang posisyon pataas at nakatira sa #78 Armstrong St. Moonwalk Subdivision sa Parañaque ay papasok na sa kanyang trabaho nang tambangan ng isang hindi nakikilalang lalaki na noon ay nakatambay sa isang tindahan.

Isang bala na tumagos sa puso ang kumitil sa buhay ni Diaz.

Kasabay nito, inilabas na rin ng pulisya ang cartographic sketch ng sinasabing gunman ni Diaz.

Wala pa ring linaw kung ano ang maaaring motibo sa naganap na pagpaslang subalit tinitingnan ng pulisya ang anggulong mga nasagasaan ni Diaz sa isinagawang reporma sa MIAA ang isinasailalim sa imbestigasyon.

Sinasabing si Diaz ay nahatulan noong nakalipas na Hulyo 4, ng Pasay City RTC ng apat hanggang anim na taong pagkabilanggo sa kasong extortion. Sinasabing naka-appeal on bail si Diaz sa naturang kaso.

Noong umagang mapaslang si Diaz, katabi pa nito ang isang pahayagan na nabahiran ng kanyang sariling dugo matapos na ito ay barilin na may petsang Hulyo 5, na nandoon nakabalita ang conviction nito sa Pasay RTC.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ulat nina Butch Quejada, Joy Cantos at Lordeth Bonilla)

Show comments