Babaeng tulak pinasabog ang ulo

Onsehan sa droga ang nakikitang motibo ng pamamaslang sa isang babae makaraang barilin ito sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspect kahapon ng umaga sa Novaliches, Quezon City.

Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Merly Bautista, 36 ng 200 Susano Road, Novaliches Proper matapos na magtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa basketball court sa may Sarmiento St. Brgy. Santa Monica ng nabanggit ding lungsod.

Kasalukuyang naglalakad ang biktima nang bigla na lamang itong salubungin ng isang lalaki na armado ng .9mm na baril at paputukan sa ulo ng malapitan.

Nang makitang nakahandusay na ang biktima, mabilis na tumakas ang suspect.

Naniniwala ang pulisya na kilala ng mga residente ang suspect subalit natatakot lamang na magsalita.

May kaugnayan din umano ang biktima at ang suspect sa bentahan ng droga sa lugar na siyang nakikitang dahilan ng krimen.

Gayunman, inaalam pa rin ng pulisya kung mayroon pang ibang dahilan ng pagpatay sa biktima. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments