Ayon kay PO2 Jeson Vigilla, may resolution na ang Regional Appelliate Board ng NAPOLCOM noong Mayo 15, 2001 kung saan pinababalik siya sa serbisyo at itinalaga sa Makati City Police na binabalewala naman ng PNP.
Aniya, dalawang taon na siyang nakabalik sa serbisyo subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin siyang natatanggap na sahod.
Nagpalabas na rin ng kautusan noong Agosto 23, 2003 si Commissioner Linda Malenab-Hornilla, OIC, Vice Chairman ng NAPOLCOM na pasuwelduhin na si Vigilla na kinuwestiyon naman ni Sr. Supt. Herold Hubalde na kasalukuyang hepe ng Regional Personnel and Human Resource Development Division ng National Capital Regional Police Office(RPHRD-NCRPO).
Matatandaan na si Vigilla ay tinanggal sa pagkapulis noong Setyembre 14, 2000 dahil sa kasong grave misconduct matapos itong makipag-engkuwentro at makipagbarilan sa isang grupo na pinaniniwalaang sangkot sa droga.
Matapos ang imbestigasyon, agad namang inutos ng NAPOLCOM ang pagpapabalik kay Vigilla sa serbisyo dahil ang nasabing police operation ay lehitimo. (Ulat ni Lordeth Bonilla)