Walang pamasahe probinsiyano,nang-hostage

Bagsak sa kulungan ang isang 37-anyos na probinsiyano na nang-hostage ng pamangkin nito makaraang maaburido ito dahil sa kawalan ng pamasahe pauwi sa kanilang probinsya, kahapon ng tanghali sa Valenzuela City.

Ang suspect na nakakulong ngayon sa detention cell ng Valenzuela Police ay nakilalang si Eligio Pogoy, tubong-Bohol at pansamantalang naninirahan sa #5086 Independence St., Brgy. Gen. Tiburcio de Leon, ng nasabing lungsod. Nasa ligtas namang kalagayan ang biktimang si Marivic Jorojot, 16, matapos na mabawi ito ng mga alagad ng batas sa pangho-hostage ng sariling tiyuhin.

Batay sa ulat ng pulisya, nagsimula ang insidente dakong alas-12:01 ng tanghali sa loob ng bahay ng mga ito. Nabatid na ilang buwan pa lamang ang suspect sa Maynila at nang hindi ito makakita ng trabaho ay nanghingi ng pamasahe upang makabalik sa kanilang probinsya subalit sa kawalan ng pera ay hindi ito nabigyan ng mga kaanak.

Kahapon ay lango umano sa droga si Pogoy at muling nanghingi ng pamasahe at nang muli itong tanggihan ay bigla na lamang kumuha ng patalim ang suspect at sinakal ang biktima habang itinutok ang nasabing armas sa leeg ng dalagita. Kinaladkad pa umano ng suspect ang biktima sa gitna ng kalsada kaya’t napilitan ang mga kamag-anak ng dalawa na paikutan ang mga ito hanggang sa magdatingan ang mga awtoridad. Matapos ang isang oras na negosasyon at nang hindi mapasuko ang suspect ay isang pulis ang nagpanggap na usyusero at nang makalapit kay Pogoy ay agad itong dinakma sa kamay at pabalibag na isinalya sa lupa. Sa pagkakataong ito, hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga awtoridad na nakaantabay lamang sa paligid hanggang sa mailigtas ang biktima na hindi man lamang nagalusan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments