Halos hindi na makilala ang biktima nang matagpuan sanhi ng 3rd degree burn si Jenalyn dela Cruz ng Creekside, Silanganan Subd., Llena Road, Brgy. 167 ng nasabing lungsod.
Sa ulat, dakong alas-8:40 ng gabi nang masunog ang bahay ng mga dela Cruz sa nasabing lugar. Naiwan umanong mag-isa ang biktima nang magtungo sa tindahan ang mga magulang na sina Jimmy, 29, at Elizabeth, 39, upang bumili ng sigarilyo.
Sinabi ng mag-asawa na nagulat na lamang sila nang papalapit na sa kanilang tahanan at nakitang nagliliyab ito kayat agad silang humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Agad namang nagtulung-tulong ang mga kapitbahay upang maapula ang apoy subalit hindi agad napatay ito at mabilis na kinain ng apoy ang bahay dahil sa may pagkaluma na ang mga kahoy ng nasabing bahay.
Ilang minuto matapos maapula ang apoy ay nakita ang bangkay ng bata na halos tostado na.
Kaugnay nito, kinondena naman ng mga residente sa naturang lugar ang Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa kakulangan ng mga fire truck na reresponde sa ganitong insidente.
Napag-alaman pa kay C/Insp. Agapito Nacario, hepe ng Caloocan BFP na tatlo lamang sa mga fire truck ng Caloocan City Fire Dept. ang gumagana sa ngayon bukod pa sa siyam na truck na sa kasalukuyan ay hindi pa napapaayos dahil sa kawalan ng pondo para mapagawa.
Matatandaang limang katao na pawang mag-iina rin ang nasawi sa Bagong Barrio nang masunog ang bahay ng isang pamilya roon na hindi naagapan ng mga pamatay-sunog ang apoy dahil sa sira ang fire truck. (Ulat ni Rose Tamayo)