Sa inisyal na ulat ng Makati City Police, nakasaad dito na may kapabayaan umano ang mga guwardiya kaya maluwag na nakapasok at nakatakas ang grupo ng mga holdaper.
Ayon kay Senior Supt. Jovito Gutierrez, chief ng Makati City Police na ang monitoring camera ng Citibank ay isa sa magagamit na matibay na ebidensiya para sa agarang ikadarakip ng mga suspect na binubuo ng mula sa 15 hanggang 20 katao.
Tatlo na sa suspect ang kinilala ng pulisya.
Narekober ang isang kulay pulang Toyota Revo na may plakang XAV-688 at kulay puting L-300 na may plakang TSG-479 kabilang sa mga sasakyang ginamit ng mga suspect.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nagdedeklara ang pamunuan ng Citibank kung magkano ang halagang natangay sa kanila.
Samantala, mahigpit na itinagubilin ni Pangulong Macapagal Arroyo sa mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas ang puspusang pagpapalakas sa kampanya laban sa sindikatong nanghoholdap sa banko at kidnap-for-ransom gang.
Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo kasunod ng insidente ng pagnanakaw sa Citibank Center sa Makati Central Business District. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Lilia Tolentino)