Mag-tiyo patay sa lunod

Dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog sanhi ng baha at patuloy na pagbagsak ng malakas na ulan at high tide, kapwa nalunod ang isang 13-anyos na estudyante at ang tiyuhin nito matapos na tangkaing isalba ng huli ang buhay ng una na nalunod sa paliligo sa Tullahan River, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring sinusuyod ng awtoridad ang ilog upang hanapin ang mga biktima na sina Aljohn Rescabo, 2nd year high school ng Marulas High School sa Valenzuela City at Jerry Halipin, 37, isang mason, na kapwa residente ng #132 East Riverside, Potrero, Malabon.

Sa panayam sa saksing si Nilda Estallo, 45, dakong alas-2:30 ng hapon nang makita niyang nagtatampisaw na naliligo sa ilog ang batang biktima nang biglang lumakas ang agos ng tubig dala ng malakas na ulan at baha na naging dahilan upang tangayin si Rescabo ng agos at malunod.

Ayon pa sa saksi, nang makita ng tiyuhin ang pangyayari ay agad na tumalon ito sa ilog upang iligtas ang bata ngunit tinangay din ng malakas na agos ng tubig-ilog.

Umaasa naman ang pamilya ng mga biktima na matatagpuan ang katawan ng mga biktima na pinaniniwalaang patay na dahil sa pagkalunod. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments