Kinilala ni Senior Supt. Erasto Sanchez, chief of police sa Muntinlupa City ang akusadong si Anthony Calianga, 20, tubong Macabalan, Cagayan de Oro at naninirahan sa Barangay Poblacion ng nabanggit na lungsod.
Si Calianga ay dinakip dakong alas-4:10 kamakalawa ng hapon sa harapan ng Alcaraz Building sa kahabaan ng National Road ng Barangay Putatan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Myrna Lim-Verano ng Branch 205 ng Muntinlupa City Regional Trial Court.
Base sa rekord ng pulisya nabatid na noong nakalipas na taon unang dinukot ng suspect ang biktimang itinago sa pangalang Irish, 17, at saka pinagsamantalahan.
Matapos magawa ang gusto ay saka lamang siya pinalaya. May nakabinbin na itong kaso sa tanggapan ng NBI dahil sa unang kaso ng kidnap at rape.
Noong nakalipas na buwan muli na namang dinukot ni Calianga ang biktima sa Makati City at hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.
Nakatakda namang ilipat sa kustodya ng NBI ang dinakip na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)