Ayon kay PDEA Deputy Director for Operations, Chief Supt. Rodolfo Caisip maliban sa kapabayaan ay masusi rin nilang sinisilip ang anggulo ng suhulan sa pagkatakas ng drug lord na si Ernesto Lubarbio.
Ang pagkapuga ni Lubarbio ay naganap sa kainitan ng pag-aaklas ng mga junior officers ng militar na sumakop sa Makati City noong nakalipas na Hulyo 27, subalit itinago ng mga opisyal ng PNP sa mediamen at sumingaw lamang nitong nakalipas na Sabado ng gabi.
Si Lubarbio na nakumpiskahan ng tatlong kilo ng shabu ay nadakip sa isinagawang buy-bust operation sa Molino, Bacoor, Cavite noong nakalipas na Hulyo 26 subalit nakapuga rin ng sumunod na araw.
Lumilitaw sa pang-unang imbestigasyon na naging madali ang pagtakas ni Lubarbio matapos na iposas lamang ito ng mga bantay nito mula sa Task Force Magellan, dating tanggapan ng PNP-Narcotics Group sa Camp Crame sa folding bed na hinihigaan nito sa loob ng naturang opisina.
Bumuo ng Special Enforcement Service para tugisin at muling ibaik sa kulungan ang puganteng drug lord. (Ulat ni Joy Cantos)