Base sa resultang inilabas ng 5 members ng Fact Finding Committee ng DOH sa pangunguna ni Atty. Samilo Barlongay, na ang pagpapasara sa Espiritu Medical and Maternity Clinic ay base sa Administrative Order na nagkaroon ng epektibo noong Agosto 8 matapos na silang makakuha ng 88 dokumento na kanilang ni-review at isinumite noong Agosto 1.
Ayon kay Barlongay ang kanilang rekomendasyon sa permanenteng pagpapasara ng nasabing clinic ay base sa isinagawa nilang ocular inspection at base sa 52 testigo kabilang dito ang mga magulang ng quadruplets na sina Vladimir at Jocelyn Calisaan.
Hindi rin umano sapat at maayos ang mga kagamitan sa Clinic ni Dr. Francisco Espiritu na nagiging dahilan upang magkaroon ng inpeksyon ang mga nanganganak dito dahil sa kakulangan ng mga sterile instruments.
Samantala, nilinaw ni Barlongay na wala naman silang nakitang paglabag sa Republic Act 8344 o No deposit law sa kaso ng MCU dahil sa hindi naman kaagad humingi ng pera ang nasabing ospital nang magtungo ang mag-asawang Calisaan dito.
Gayunman, may nasilip din silang pagkukulang sa MCU at sa Jose Fabella Memorial Hospital ang komite. Ito ay ang hindi nila pagpapaskil ng karatula na nagbibigay babala sa mga pasyente na ilegal ang paghingi ng deposito lalo na sa mga emergency cases.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng komite na si Dr. Espiritu ang regular na doktor ni Jocelyn at siyang nagpaanak sa quadruplets na hindi nito masyadong naalagaan ang huli kung kayat nanganak ito noong Hulyo 15, 2003 imbes na sa Oktubre pa.
Tutulungan din umano ng DOH ang mag-asawang Calisaan sakaling magharap sila ng kaso sa Professional Regulatory Board (PRC) laban kay Dr. Espiritu dahilan sa umanoy malpractice na nangyari kay Jocelyn makaraang muli itong duguin noong Hulyo 18 at raspahin sa Manila Doctors Hospital dahilan sa mga fragments of placenta na naiwan ilang araw matapos itong raspahin ni Espiritu. (Ulat ni Gemma Amargo)