Ayon kay Chief Insp. Gerry Agunod, PIO chief ng WPD, matagal nang binabantayan ng "sekreta" o mga police detective ang mga Chinese school simula nang ilunsad ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane ang all out war laban sa kidnapping.
Sinabi ni Agunod na ang pagkilos na isinasagawa ngayon ng kapulisan ay bunga ng pahayag ni Teresita Ang See, chairperson ng Citizens Action Against Crime and Corruption na tumaas na naman ang insidente ng kidnapping mula noong buwan ng Hulyo matapos na matuon ang pansin ng pulisya sa terorismo at pagbabantay sa kudeta.
Lumilitaw na apat na estudyanteng Filipino-Chinese ang naitalang dinukot noong nakaraang buwan subalit napalaya din matapos na magbayad ng ransom money ang mga pamilya nito.
Subalit ayon naman kay Agunod wala silang natatanggap na insidente ng kidnapping kung kayat walang ginagawang aksiyon ang pulis.
Iginiit ni Agunod na kadalasang isinasagawa ng mga kidnapper ang pagdukot habang nasa biyahe ang kanilang mga bibiktimahin at hindi sa loob ng paaralan.
Gayunman, sinabi ni Agunod na patuloy pa rin ang intelligence community sa pagtukoy sa mga sindikato ng kidnapping upang madakip ang mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)